Friday, August 5, 2011

Ikaw at Ako

Limang taon na ako sa US. Iniwan ko ang aking pamilya upang magtrabaho, mag-aral, at yumaman sa Tate. Malayo na ang narating ko ngayon, maganda ang trabaho, maayos ang pamumuhay.

Napakatagal ko nang nagtatrabaho. Halos nalimutan ko na ang ibang pinagdaanan bago ako sa mapunta sa aking kinalalagyan ngayon.

Pero di ko malilimutan ang isa sa aking mga araw sa Unibersidad.

Doon kita nakilala.

Una kitang nakausap noong muntikan ka na malaglagan ng neon sign ng Jollibee. Iniligtas kita gamit ang aking pambihirang lakas at kapangyarihang galing sa Kung Fu (na inimbento ko lang). Gumamit ako ng circular movements upang ma-redirect ang higanteng flourescent light na inimbento ni Flores na kapwa ko Pilipino (pero di daw talaga siya naka-imbento nun).

Astig yung nangyari, grabe ang Adrenaline Rush na aking nadama. Pero wala yung kinalaman masyado sa aking kwento dahil love story ito at hindi comics na gawa ng Marvel o ng DC.

Ayun nga, niligtas kita, akala ko love at first sight ang nadama ko para sa iyo.

Hindi pala.

Matagal na kitang iniirog dahil kaklase kita sa isa sa mga majors ko.

Tuwing ako'y inaantok ay sa iyo ako tumitingin para sumaya at magising naman ako.

Minsan pa'y tumitiningin ka din sa akin sabay iwas ko sa aking tingin, tapos titingin ako ulit pag iniwas mo ang tingin mo tapos titingin ka na naman at iiwas na naman ang tingin ko, tapos titingin na naman ako pag iwas ng tingin mo tapos...

Minsan pa nga'y titingin ako sayo pero hindi ko iiiwas ang aking tingin kapag tumingin ka tapos magtititigan tayo hangga't may sabihing mahalaga ang ating guro o kaya'y kausapin ako ng katabi ko o kausapin ka ng nasa likod mo.

Ayun, balik sa kwento sa me neon sign ng Jollibee. Dahil katapat lang ng Jollibee ang ating Unibersidad at oras na para ako'y pumasok sa klase kung saan ika'y aking kamag-aral, sinubukan kong mag-paalam sa ating guro na ka-close mo at medyo ka-close mo din. Nasugatan kasi ang aking mga kamay dahil sa neon sign ng Jollibee na ni-redirect ko upang maligtas ka ilang minuto pa lang ang nakakaraan. Ito yung sugat na tipong mamamatay ka sa kadahilanang mauubusan ka ng dugo. Ganun kalala (Sa isip ko).

Ako: "Ma'am, pwede po bang magpahuli ako sa ating klase?"

Guro: "At bakit naman? Nandito ka na nga magpapahuli ka pa. Pero medyo namumutla ka, me sakit ka ba?"

Ako: "Wag po kayo magugulat ha, at wag niyo sasabihin kahit kanino..."

At aking ipinakita ang karumaldumal na kondisyon ng aking mga kamay.

Guro: "Yuck! So ewww naman that! Pumunta ka na sa infirmary para magamot na ang karumaldumal mong sugat sa kamay!"

"Ikaw, estudyanteng ka-close ko, pakisamahan naman itong kaklase mong medyo ka-close ko. Ako na bahala sa attendance mo, bigyan pa kita ng bonus."

Ako: "Sabi nang wag sasabihin sa iba eh..."

Guro: "Parusa mo na din yan dahil pumunta ka pa dito imbes na dumeresto sa infirmary. Adik ka ba? Nagpapakamatay ka ba? Masokista ka ba? Wala ka na bang balak makatapos ng kolehiyo? Di mo ba naisip na pwede maimpeksyon yan!?! Para ka namang-"

Ikaw: "OKAY PO! Ako na bahala."

Sa loob-loob ko: "Thank you! Baka himatayin na ako kung natuloy ang sermon na yun..."

At ayun nga, naglakad tayo patungong infirmary. Di ko alam kung bakit di tayo sumakay ng jeep. Basta naglakad...

Syempre naka-sara ang aking kamao upang pigilan ang parang ilog na umaagos na dugo mula sa aking mga kamay.

Tapos, bigla kang nagsalita.

Ikaw: "Buti naman at nasolo kita ngayon. Bihira lang mangyari 'to."

Ako: "Hehe, bakit? Gusto mo magpaturo tungkol dun sa proyekto natin?" (Ang bobo ko...)

Ikaw: "Ummmm, oo, yun nga, nahihirapan kasi ako dun eh." (Ang bobo naman nito...)

[Katahimikan.]

Ikaw: "Bakit ka nga pala madalas tumitingin sa akin sa klase?" (Ano kayang isasagot nito?)

Ako: "Ha! Ummm, wala lang, napansin ko kasing ang ganda mo pala." (A pangit ng sagot na yun!!!)

Ikaw: "Ganoon ba?" (Ngayon mo lang napansin! Mahina nga ito...)

Ako: "Pwede magtanong?"

Ikaw: "Sige, bakit naman hindi? Ano ba yon?" (Mag-yayaya na kaya itong lumabas?)

Ako: "Ano nga ba ulit pangalang mo? Pwede ko bang malaman habang nagkakape tayo?" (Bat ko sinabi yun! Ang pangit ng banat na yun!)

Itutuloy... Siguro...

No comments:

Post a Comment